Ang sakit nun diba?

Aug 27, 2024 8:09 am

Nakukuha mo 'tong email na to kase nag-subscribe ka sa email list ko. Kung umay ka na, pwede ka naman umalis at mag unsubscribe sa baba anytime. Di ako magtatampo...




Ang sakit nun diba?

August 28, 2024

Pwede mo din 'to basahin sa website.



Naka-upo na kami sa sinehan kagabi tas biglang may mga umupo sa upuang para sa mga kasama ko. 8 kase kaming manonood kaya alam kong isang hilera halos ang okupado namin.



Nilapitan ko sila tas sinabi ko na baka mali sila ng seat number. Pero agad-agad sumagot yung isa, “C. Row C.”



Tumingin ako sa mga kasama ko para manghingi ng kumpirmasyon na Row C nga din kami. Oo daw. Kinuha ko yung ticket namin tas pinakita ko na okupado namin yung hanggang seat C12, nilabas nya yung e-ticket nila, mula C11 sila. May overlap nga.



Niyaya ko sya na pumunta dun sa usherette sa labas para magtanong.



Nag-small talk pa kami ng konti habang naglalakad. Sabi nya, “Ang weird naman nun” Ang nasagot ko lang, “Oo nga ehh, weird”. Ang saya ko kausap diba? Gusto ko na kase maupo lang. Aba nasa VIP Cinema kaya kami! Bawat minuto dun, kasama trailers pati yung mga oras na nakabukas lang ang ilaw, bayad.



Pag dating namin sa usherette sa labas, inexplain ko kung anong nangyayare.



Tinigan nya maigi parehas yung mga tickets na para bang sya si Sherlocke Holmes. Kaso naguluhan din ata sya.



Nung tinignan pa nya nang mas maigi, kitang-kita ko na lumiwanag yung mata nya.



“Uhm okay… So yours is dated August 25”



Sabay turo sa e-ticket ni ate gurl—August 26 na.



“Oh shit kahapon! Oh no!” 



Tapos nagmadali na sya papasok sa mga kasama nya.



Naiwan ako sa harap para langhapin ang tagumpay kahit na hindi naman kami nag-aaway. Tapos nag thank you na ako sa usherette at bumalik na din sa loob kase susulitin ko pa nga yung VIP ticket ko.



Hanggang ngayon, iniisip ko pa din si ate gurl pati yung mga kasama nya.

Ano kaya pakiramdam nung gusto mo ng magandang experience tas di mo nakuha. Yung may inasahan ka pero wala kang napala. Yung napaniwala ka sa isang bagay na buong akala mo eh tama, nilaban mo pa, tas eventually mapagtatanto mong mali ka.



Sakit nun diba? Di ka man lang nakalaban sa maling impormasyong alam mo kase wala naman nagtatama sayo eh. Kung meron man, malamang tingin mo mali sila kase may hawak ka ding pruweba.



Classic misinformation.



At parang yun na din ata ang pinaka-malaking mensahe na nakuha ko sa pinanuod namin kagabi–And So It Begins. 



Dokyu sya tungkol sa kampanya ni Leni Robredo 2 years ago. Kamapanya na buong puso kong sinalihan. Gumawa pa ‘ko non ng mga sulat, bidyo, pati mga tarpaulin. Nagbigay din ako ng oras para labanan ang mga peyk news noon.

Naniniwala kase akong may pag-asa pa ang mga Pinoy.



At parte ng pag-asang yun, si Leni.



Kaya interesado ako mapanuod ‘tong dokyu na to. Wala akong ideya kung tugkol san sya pero ang ineexpect ko eh tungkol sa ‘movement’ na nangyare dalawang taon na ang nakalipas.



Pero habang nanonood ako, kahit na napaka-komportable nung katawan ko sa upuan, nauwi sa pagkalito yung utak ko kung san ba papunta yung dokyu.


Madami naman akong nalaman na mga bagong impormasyon dito pero hindi ko mahanap-hanap yung mensahe.



Kahit na ganun, mabigat na emosyon pa din ang naramdaman ko habang nanonood, muntik pa nga ako maiyak eh. Pero hindi dahil sa ipinarating nung dokyu. Halos maiyak ako kase naalala ko kung gano kami lumaban, mga simpleng mamamayan, para sa tama o at least, sa mas tama. Naalala ko yung mga lumaban kasabay namin. Naalala ko yung pakiramdam ng pag-asang meron sa mga Pinoy nung mga panahong yun, nasa laylayan man o nasa taas.

Kaso di ‘ko sila nakita sa dokyu.



Ang mas nakita ko eh yung laban ng media. Na alam kong napakahirap din, kung hindi man mas mahirap. Kung gusto ko ng laban ng media, yung A Thousand Cuts nalang sana ang pinanuod ko.



Kaso nasa hanay kase ako ng mamamayan, yun ang gusto ko makita.

Kase sa tingin ko, nandun ang lakas nung kampanya ni Leni, sa mga tao, hindi sa mga partikular na komunidad o sa media – tao, laging nasa tao.



Kaya eto, di ko alam kung tamang timing ba na isulat ko na ang mga saloobin ko tungkol dito. Kase sa ngayon, nakukulangan at naguguluhan ako sa gusto nyang iparating.



Odiba bigla akong naging film critic. Nagshift na kase ako ng niche.



De joke.



Di man ako nadala nung dokyu, napaalala nya sakin na araw-araw, may mas malaking laban tayong hinaharap.



Pero kung sinumang nagbook nung nakasabay namin sa sinehan, may extra syang labang haharapin.


image


image


Open-minded ka ba? Latagan mo sila

Ano, nagustuhan mo ba? Wag ka magdamot uy. I-share mo to sa iba. Latagan mo ng mga kwento. San mo ba gusto, facebook? Twitter? Ikaw na bahala, copy-paste mo lang tong link: https://johnrillemanalo.com/ang-sakit-nun-diba/

Comments