Naligaw ka na ba?

Sep 12, 2024 9:39 am

Nakukuha mo 'tong email na to kase nag-subscribe ka sa email list ko. Kung umay ka na, pwede ka naman umalis at mag unsubscribe sa baba anytime. Di ako magtatampo...




Espanya V Dapitan

September 12, 2024

Pwede mo din 'to basahin sa website.



Kahit buong buhay ko eh sa Manila ako natira, wag kang umasa na matutulungan kita kapag nagtanong ka ng byahe papunta sa pupuntahan mo dito.



Kung niligaw mo ako sa lugar na di ko alam, malamang mauuna pa maka-uuwi yung pusang niligaw ng lola mo.



May built-in GPS kase ako sa utak, kaso made in China.



Nung first day ko sa college, sa Intramuros lang yung school ko, nahirapan pa ako maka-uwi.



Nasa making-friends-stage pa kase ako non kase first day eh. At syempre sa ganung stage, kasama yung tanungan kung san ka nakatira.



Ang sinasagot ko lagi, Manila. Ang susunod nilang sinasabi “Ah malapit lang dito– san sa Manila?”Ang isasagot ko “Sa may Sampaloc”.



Kasunod? You guessed it. “Ahh. San yun?”



Tapos mapapaisip na ako kung paano ko i-eexplain kung san yung bahay namin. Na sa totoo lang, di ko naman kailagan i-explain kase alam kong short talks lang yun at malamang malilimutan na din nila. Pero I hate loose ends kaya pinilit ko pa din sagutin.



Ang sinasabi ko lagi ay “basta medyo malapit-lapit sa may Espana, sa UST”.

Yun kase yung magegets agad ng mga tao. Pag nakarinig na sila ng pamilyar na lugar, ititigil na nila yung pagtatanong nila na parang interogation ng NBI.



Pero nalaman ko nung araw na yun eh minsan tatatak sakanila yung sinabi mong lugar. Yung kaklase ko non, nung uwian na, niyaya ako sumabay pauwi.



“Uy pre diba sa may UST ka? Sabay na tayo. Dun din daan ko, sa Dapitan”



“Ah talaga? Sige!”



Naglakad kami papuntang sakayan ng jeep. Nag-getting to know each other pa kami along the way pero sa totoo lang hindi ko na iniitindi yung mga pinagsasabi nya.



Naka-focus kase ako kung makaka-uwi ba ako. Ayokong magkamali ng sasakyan tas mawala. Tsaka na-alala ko kase, ang sabi sakin sa bahay, basta ang sakyan kong byahe eh may “ESPAÑA” na nakalagay sa jeep. WAG yung may Dapitan… Eh sa Dapitan yung punta nung new friend ko diba.



Habang nag-e-explain sya kung bakit sya sa Mapua nag-college, pinatahimik ko sya kahit di pa naman kami close.



“WAIT. Yung Dapitan, sa may Espanya ba yun?”



“Oo, dun din yun. Sa may UST diba? Pero una ako bababa sayo”.



“Ahh” Sabi ko.



“Ayan maluwag! Tara pre”



Sumakay na kami. Kinakabahan ako kase may Dapitan na nakalagay sa sinakyan namin.



Buong byahe nagdadaldal pa din sya sakin. Ako, nakatingin lang sa labas. Tinitignan ko kung hanggang saan magiging pamilyar yung mga nakikita ko.



“Di ka pa sanay bumyahe no?” Sabi nya.



Gusto sabihin ng utak ko na “OBVIOUS BA? KAYA WAG KA MADALDAL FIRST DAY PA LANG NATIN ME ISANG SEM PA TAYO PARA MAG-USAP. TINITIGNAN KO KUNG NALILIGAW NA AKO”



Pero sabi ko nalang “Oo eh”



“Ahh okay lang yan, basta sa may UST ka kamo, dadaan ‘to dun”



In fairness naman, may comfortable vibe naman sya na parang mga friendly-archetype sa mga pelikula. Nung sinabi nya yun, medyo nawala naman yung kaba ko kaya nakapag-usap na ulit kami nang maayos.



Pero maya-maya din, bumaba na sya “basta kamo sa driver sa may UST ka” sabi nya.



Nakahinga ako kase alam ko naman kung anong itsura ng UST. Pag nakita ko na yun, alam ko na. At imposible naman na mawala ako kung sa Espanya din nama yun.



Kaya “Sige pre ingat ingat” sabi ko.



Ilang minuto na umaandar yung jeep. Tingin tingin na ulit ako sa bintana.



Asan na ba yung UST?



Maya maya, bumalik na yung kaba ko. Inipon ko kase yung lakas ng loob ko para tanungin yung katabi ko… “Kuya lampas na po ba yung overpass sa UST?”



“Ha? Overpass? Nako sa kabila yun, Dapitan ‘to”



Shet. Nung narinig ko yun, bigla akong pumara kahit di ko din alam kung bakit. Wala naman ding magagawa kung bumaba ako bigla ng jeep. Kaso wala na, nabanggit ko na, huminto na si mamang driver. Ni hindi ko man lang natanong kung lampas na ba ako sa UST.



Pagbaba ko naglakad ako nang di ko alam kung san pupunta. Wala pang google maps o waze non. Kung meron man, hindi kaya ng selpon ko. Lakad lang ako nang lakad. Di pamilyar sakin yung street signs.



Like I said, may bulit-in GPS.



Gutom na ako at di na gumagana yung mataba kong utak. Tinext ko na yung tatay ko. Sabi ko tawagan nya ako kase pang text lang ang meron ako at mas madali makipag-usap kung call.



Nung tumawag na sya inexplain ko yung nangyare, tinanong nya ako kung nasan daw ba ako.







Di ko alam.



Kaya nga ako tumawag eh. Pero syempre I have to give him something. Me nakita akong Savemore.



Sabi ko Dapitan yung sinakyan ko tas nung narealize kong mali, bumaba agad ako. Tinanong ko yung nagtitinda ng mani kung anong street yun kase nilamon na ng kalawang yung street sign sa kanto.



(Note: di ko na maalala kung anong street yun kaya tawagin nalang nating Sesame)



Sabi ko sa papa ko, nandun ako sa Savemore sa may Sesame Street.

Na-gets nya agad. Kase di tulad ko, made in Germany yung built-in GPS ng tatay ko. Kaya ko sya ilaban sa waze ngayon.



“Ahhhhh! Sige nasa office pa ako ehh, papasundo kita sa bahay tawagan ko sila. Dyan ka na lang”



Pero pansin kong natatawa sya at ramdam ko napakamot sya sa ulo.

Ilang minuto after mababa yung tawag, na-realize kong di ko pala alam kung anong plano namin. Sinong susundo sakin? Talaga bang gets na nya kung san ‘to? Meron ba ko dapat gawin?



Magtetext ulit dapat ako sakanya pero nangyare ang pinaka-common na plot device sa mga pelikula. Namatay na yung selpon ko. Sira na kase yung baterya nun. Pag nasa 50% na, asahan mong di na sya tatagal.



Ayun. Hintay lang ang ginawa ko.



Di ko alam kung gano yun katagal pero tulad din nang sa pelikula, umulan bigla habang naghihintay ako. Pero tingin ko eh medyo pabor sakin yun kase di na ako mukang tanga dun na mag-isang nakatambay sa labas ng grocery. Me ibang nakasilong kase dahil ayaw nila mabasa. At least may mga kasama na akong maghintay.



Dahil wala naman akong ibang magawa, nakatitig lang ako sa kawalan. Daming tumatakbo sa utak ko. First day ng college, nakauwi na kaya yung kaklase ko, yung essay na pinapagawa nung prof namin, sino ba susundo, pano ako tatawanan ng mga tao sa bahay, at kung bakit ba hindi ako marunong magtanong sa iba.



Maya-maya, huminto na yung ulan. Umalis na din agad yung mga kasama kong nakasilong. Dalawa na lang kami dun nung isang lalaki na nakatayo lang dun.

Pero wala pa din yung sundo ko kung sinuman yun.



Tapos napansin ko, yung katabi ko eh may payong naman. Yung malaking payong na kasya buong pamilya. Alam kong malaki yung ganon kase me ganon kami.



Sabi ko sa utak ko, me payong naman syang malaki, bat nakisilong pa tong si koya dito. Ayaw nya siguro mabasa yung payong… Natawa ako sa sarili kong joke tas napatingin ako sakanya.



Sakto, napatingin din sya sakin.



Nag-double look kami sa isa’t isa.



Si kuya Aboy pala! Pinsan ko!



“JOHN! KANINA KA PA DYAN!?”



“OO! IKAW PALA YAN??”



“Oo! Hinahanap kita pinapasundo ka ni papa mo!”



“Hahahahahahaha! Kanina pa tayo nandito andyan ka lang pala! Kaya pala sabi ko pamilyar yung payong!”



“HAHAHA!”



Sabi daw pala kase sakanya nandun ako sa tapat ng Savemore. Akala nya, as in across the street kaya dun sya naghahanap. Nung umulan, sumilong muna sya dun sa bubong.



Kaya ayun, sumakay na kami sa tricycle na inarkila nya para i-rescue ako.

Habang nakaupo ako sa loob, napapa-iling ako sa mga nangyare. Tinitignan ko yung daan pauwi tas lalo akong napa-iling kase isang diretosong lakad, yung susunod na street, pag kumanan ako, alam ko na yung lugar.



Sobrang lapit ko na pala sa dapat na bababaan ko sa “ESPANA” na byahe. Pambihira.



Alam ko, marami kang masasabing “Edi sana nag ganto-ganyan ka na lang!”



“Edi sana sinabi mo ganto-ganyan para…”



SHATTAP.



Alam ko naman. Di ko lang alam noon.



Para ka naman hindi naging eng-eng dati.



image


image

Oh kumusta! Nagustuhan mo ba?

Kung naligaw ka na din at naka-relate ka dito, okaya kung me kilala ka makaka-relate dito, copy-paste this link to your socials, text, or email para ma-share mo


https://johnrillemanalo.com/espanya-v-dapitan/

Comments